SAAN PATUNGO ANG
LANGAYLANGAYAN?
Iisa lamang
ang aking mithi. Ang makalaya sa kaalipinan. Pagkat alipin ako.
Alipin ako ng aking sariling pagananasang guminhawa at
lumigaya ngunit nababakla ang daigdig na sa wari’y lumalaki, at ako’y naiiwan
tila butil ng buhanging makapuwing ma’y di makasugat. Alipin ako ng sariling
nangangambang di makarating sa paroroonan (ngunit saan?) gangga-binlid na
sarili. Alipin ako ng aking sariling nagnananasang makatawid sa dagat ng
pakikitalad na payapa kung minsan ngunit kadalasa’y maalimpuyo. Alipin ako ng
sariling pagkat luwad ay makaluwad, pagkat ako’y sa tao ang puso, diwa at kaluluwa.
(Ngunit hindi ba ako’y likha ng Diyos? At sa kanya iniwangis? Nasaan ang
pagkawangis na iyon? Nasaan ang aking pagka-Diyos?)
Ito ang aking mithi: Paglaya.
At ako’y nagtatanong: Ano ang paglaya?
Ang paglaya’y ang pagkakilala sa sariling kakayahang mabuhay
sa daigdig ng kawalang-katiyakan, ang pagkaunawa sa tunay na kahulugan ng buhay
(na di lagging katuwaan, ngunit di rin naman laging kapighatian). Ang paglaya’y
ang pagkakilala sa maraming suliranin sa buhay at ang pagkatulong malutas ang
mga ito. Ang paglaya’y ang pagkaunawa sa puu-puong kahulugan ng damdamin ng
tao. Ang paglaya’y ito: ang pagkaunawa sa sarili at sa daigdig. Ngunit paano ko
mauunawaan ang aking sarili?
Sa salamin, ang larawan ko’y mistulang ako: naroon din ang
buhok na dating malago, ngayo’y manipis, ang mukhang hawas na may guhit na ng
hapis at kahapon, ang katawang dating matipuno’y mahagway ngayon. At sa
kamalayan ay naghuhumiyaw na tanong: Sino ka? Nakikilala mo ba ang iyong
sarili? Hindi! Oo! Nakikilala ko ang aking sarili sa kanyang hubad na larawan,
ngunit di ko lubusang natatalos ang tunay na kalooban, pagkat hanggang ngayo’y
gapos pa ako ng kahangalan, bigti pa rin ako ng karuwagan, alipin pa rin ako ng
kasalanan. Wala sa akin ang pagkaunawa sa aking sarili, lubha pa sa kaninuman:
ako’y hindi malaya at ngayon, akong dating maraming makamit, akong dating
maraming nais marating, akong dating maraming mithiin sa buhay, ay may iisang
pagnanais na lamang – ang makalaya sa kaalipinan.
Hinahanap ko ang kalayaan, sa kapatagan, sa kabundukan, sa
bayan, sa ilang na pook, sa lahat ng dako ng daigdig; sa hilaga, sa kanluran,
sa timog, sa silangan; nariyan sa alinman diyan ang kalayaang hinahanap ko.
Alam ko: Ang kalayaan ay nasa lahat ng dako. Ito’y tila hanging malayang
malalanghap (ngunit may pumipigil sa aking paglanghap): ito’y tila hanging
malayang madarama (ngunit mukha ko’y namamanhid). Paano ang malayang paglanghap
ang malayang pagdama, paano?
Sa salamin ay naroon ako.
Ako’y lalaking tinukso ng pagkakasala sa pamamagitan ng
nilikhang sa tadyang ko nanggaling. Bakit nangyari ito, sa akin ang buong
Paraiso; walang hapis, pawang ligaya. At nang ito’y naganap, nawala ang ligaya,
nahalili’y hapis. At ako’y napahiya sa sarili, unang-una. Tumingala ako. Sa
kabughawan, sa bunton ng mga ulap, hinanap ko ang Maykapal, ngunit wala siya.
Inulilig ko ang kanyang tinig, ngunit biningi ako ng katahimikan. Nasaan ka,
Diyos ko? Bigla-biglang sinaklot ng pangamba at agam-agam ang aking katauhan.
Mawawala na sa akin ang mga biyayang kaloob ng Maykapal. At nang bumaba ang
Serafin, batid kong tuluyan nang nawaglit para sa akin ang Paraiso: Hindi na
ako malaya: pagkat alipin na ako ng aking sariling pagkasala.
Sapul noon ay hinanap ko ang kalayaan.
Buhat sa Paraiso, ako at ang aking katambal ay may
tataluntuning landas sa paghanap ng kalayaan ng dating kaginhawaan at
kaligayahan, ngunit saan? Di ba tanging Paraiso lamang ang katatagpuan ng
walang-katapusang ligaya? Sa kabughawan ng langit ay naroon ang
nagsasalimbayang mga langay-langayan. Nakikita ko ang langkay-langkay na mga
ibon sa kanilang paglipad. Ngunit saan patungo ang langay-langayan? At ako,
kasama ang sa aki’y nagbuhay, katulad ng langay-langayan, ay saan patungo? Saan
masusumpungan ang ligaya at ginhawa, ang kalayaang sa wari’y tuluyan nang nawaglit?
Ito ang natitiyak ko: habang may buhay , ako’y ako rin:
ang tao. At saka ito: ang patutunguhan ko’y walang katiyakan, pagkat
inilulunsad ko ngayonang aking daong sa dagat ng pakikitalad; pagkat sa akin at
sa kasama ko ay pinid (matutuluyan kayang pinid?) ang Paraiso.
Ang daigdig ay totoong malawak: hindi masundan ng aking
paningin ang haba’t luwang nito. Batid ko na kung makalalagos ang aking
paningin sa tinutuntungan kong lupa’y hindi maaabot ng tingin ang lalim nito.
Sinlawak ng kalupaan ang karagatan. Ang dagat ay tubig. Sinasabing ang tubig ay
kristal na napananalaminan. Marahil sa pagiging kristal nito’y makikita ko ang
pusod ng dagat, makikita ko ang kagandahang itinatago niyon. Subalit hindi: ang
dagat ay singhiwaga ng lupa. Sumalok ka ng tubig, magagawa mo’t masasalat ang
kanyang kanipisan, ngunit sa kabila nito’y hindi mo makikita kung ano ang
inililihim sa ilalim.
At nauunawaan ko. Mahiwaga ang daigdig, at ako, kasama ang
sa aki’y nagbuhat, ay maglalakbay sa dagat ng pakiktalad nang may isang mahalagang
bagay na nababatid: kahiwagaan. Kaya marahil hindi ko maware ang sarili: kaya
marahil hindi ko nakilala ang tunay kong kaakuhan, pagkat nababalot ng hiwaga
ang Tao.
Maganda ang sikat ng araw. Nadama naming ang init. Sumalab
sa balat. Sumilong kami sa ilalim ng malalabay na sanga ng unang punong aming
natagpuan. Saka lamang kami nakadama ng bahagyang ginhawa. Ngunit pagod na
kami. Masakit ang aming mga paa. May galos at paltos na ang aming mga
talampakan. Nakadama na kami ng sakit. Wala na nga kami sa Paraiso: doon, ang
nayayapaka’y alpombrang malambot, maginhawa. Wala na, wala na kami sa Paraiso.
At ngayong tumatagal ang aming inilalagi sa labas na iyon ay nakadarama na kami
ng uhaw. Nanunuyo ang aming lalamunan. Patuloy ang paggiti ng saganang pawis.
At kumakalam na ang aming sikmura. Ngunit anong hiwaga! Ang punong
kinatitigilan namin ay may bungang nakabitin. (“Huwag ninyong kakainin ito.”
Walang gayong tinig kaming naririnig. Gaya noong makalimot kami.) iniabot ko
yaon: ngunit mataas ang sanga, hindi kayang lundagin. Kailangan kong akyatin
ang puno. Ito ang pakikitalad, ito ang pakikipamuhay, ito ang kaalipinan.
Pagkat alipin na ako ng aking sarili. Ng daigdig, ng buhay. Hindi na ako
malaya.
Noon nagbagu-bago ang anyo ng araw – naroong sumilip, sumikat,
kumubli. At nagbagu-bago ang kulay ng langit – naroong bughaw, abuhin, itim. At
noon nagbagu-bago ang hampas ng hangin – naroong mayumi, masungit, mabangis.
Ang mga ito’y tanda ng kawalan ng katiyakan ng anumang bagay sa daigdig. Ito
ang kahiwagaang bumabalot sa lahat ng nilikha.
Noon ko nadama ang puu-puong damdamin. Mga damdaming kay
hirap unawain: ito ay kaalipinang pinagdurusahan ng sarili. Gayundin ang
nadarama ng katambal ko. Sinimulan naming pagtuwangan ang pakikipagsapalaran,
gumawa kami ng masisilungan laban sa init at lamig, laban sa sungit ng panahon
at kalikasan. Gumawa kami ng damit laban sa init at lamig, sa panahon at
kalikasan. Ngunit ano itong pakikipagtunggali sa kalikasan? Di ba’t sa
kalikasan kami nabubuhay? (Ito, ito ang kahiwagaang bumabalot sa katotohanan –
nagbibigay-kulay, nagbibigay-ganda, nagbibigay-halaga. Pagkat hindi ba kapag
may hiwagang nais liripin, kumikilos ang mga tao, nagpupunyagi? Ang pagsisikap
na ito ang pintig ng buhay na lumilikha ng kulay, ganda, at halaga.).
Akong Tao at ang katambal na sa tadyang ko nanggaling ay
magkasama habang may buhay sa daigdig. Magkasama kami sa pakikipagtunggali.
Pagkat siya rin ang kasama ko sa Paraiso. (Noo’y pawing ligaya!) Ngayon ay
hindi ko matingnan ang katawan ng aking katambal. Hindi ko na matitigang
matagal ang hubog niyon, pagkat nagdadalang-hiya ako. Ngunit may nadarama akong
kakaibang damdamin, hindi yaong pag-ibig na mapagkupkop, malambing, magiliw,
kundi mabangis, mapilit, maalab. Gayundin marahil ang nadama ng aking katambal.
Kasabay ng damdaming iyon ang kamalayang dadalawa lamang kami sa daigdig (“Hayo
at magsupling!”) kailangan naming ng kasama. Nasaan ka, manlilikha! Nasaan ka,
Diyos! Narito! Narito! Nasa aking sarili: ako ang manlilikha, ngunit sa aba ko,
hindi ako ang Diyos! Ito ba ang bahagi ng pagka-Diyos sa akin? Ang damdaming
nadarama ko? Ito na ang pag-ibig sa kanyang lalong makabuluhang katuturan:
maalab, mapilit, mabangis!
Ang ikalawang salin ay sa damdaming iyon nagbuhat. Sa
ganyan ding damdamin magbubuhat ang iba pang salin. Ang lahat at lahat ay sa
damdaming iyan magbubuhat. At ako, na Tao, at siya na katambal ko, ay
nagsupling: supling at supling: salin at salin. Ito ang kahiwagaan ng paglikha
sa Tao: kayraming kawangis, kahawig: kayraming kawangis ng Diyos, kayrami
niyang binigyan ng bahagi ng kanyang pagka-Diyos. Hindi mapupuwing ang
katotohanang itong napasaakin: ang pag-ibig ay bahagi ng Diyos na isinapi sa
Tao.
Kayraming tao sa daigdig. Kayrami kong kawangis, kayrami
kong kawangis, kayrami kong larawan. Dumarami ang sakay ng daong naming
nakalutang sa dagat ng pakikitalad at saka nahasik ang iba-ibang damdaming
taglay ang hiwaga ng pakikipamuhay. Ang katapat ng pag-ibig ay nabigyang-tiis,
naging poot, at saka nag-usbong ang pakikipagkaisa o pagbukod, pakikipagtalik
or pakikipagalit. Sumibol ang pakikipag-unawaang naging pakikipag-digmaan.
Ito ang hininga ng buhay: ang pagtigil sa daigdig na ito
ay isang malaking pakikipaghamok, buhat sa Paraiso’y napalutang na ako, kasama
ang sa aki’y nanggaling, sa dagat ng pakikitalad. Ngunit ano itong
pakikipaghamok – pakikipaghamok sa sarili o sa daigdig? Ito’y pakikipaghamok sa
sarili o sa daigdig. Nababatid ko, sapagkat nadarama ko rin ang iba-ibang
damdaming nasaksihan kong nagpagalaw, nagpakilos, sa aking mga supling sa lahat
at lahat. Sa Tao.
At habang umiinog ang araw – sumisilip, sumisikat,
kumukubli ay nadarama ko ang pagbabago: nasaksihan ko, naririnig ko,
nalalanghap ko. Ang mga pagbabagong lalo’t laong naglalayo sa akin sa Paraiso.
Nawawala, nawawala nang tuluyan wari ang Paraiso, at ako’y tila ganap nang
magiging alipin ng aking sariling nagkasala (ulit-ulit kong sinasabi: Diyos ko,
Diyos ko, subalit ang taghoy ay walang tinig.).
Nagbabago na rin ang tanawin. Marami nang gusaling
naitayo: bato, kahoy, putik. Ang kapatagan ay pinarikit ng mga halamang tanim
ng mga Tao. Ang kagubatan ay unti-unting nahahawan. Subalit Diyos ko, ako man
ay nagbabago; nawawala ang dating lakas – tumatakas, tumatakas. Ngunit
kailangang maikulong ko sa aking kalamnan ang lakas upang tumibay ang katawan
ko sa pakikitunggali sa buhay.
Marami-marami na ang aking mga supling: marami na ang tao.
Lumalawak ang sakop ng tao. Ang mga pook-pook ay sumisikip: sa malas ay
lumiliit ang kalupaan ngunit kabalintunaan, lumalaki, lumalaki ang daigdig,
pagkat nabibigayan niya ng lunan ang lahat. (Ito ang kahiwagaan ng daigdig: may
puwang sa kanyang kaliitan ang lahat na parami nang parami: lumalaki, lumalaki
ang daigdig at akong Tao ay naiiwang tila butil ng buhanging makapuwing ma’y di
makasugat: pagkat alipin. Ang tinig ko’y walang lakas pagkat wala akong laya,
taghoy ko’y walang tinig.)
Sumilang ang mga bayan-bayanan. Nakalikha ang mga tao ng
mga wika at paraan sa pagsulat, natutuhan ng mga supling ko ang mga
makipag-unawaan sa isa’t isa sa pamamagitan ng salita (sari-saring salita) at
sulat (sari-saring sulat). Subalit dahil din sa pagkakaibang ito’y ng-uugat ang
di-pagkakaunawaang pagkat nawawala ang tatak ng pagkakaisa. Isa pa ring
kabalintunaan: bumuo ng salita upang magkaunawaan, ngunit siyang salita ring
dahilan ng di-pagkakaunawaan. Bakit ganito? Pagkat sumipot ang
pagkakani-kaniya, sumibol ang pagkamakasarili. Ito’y mga tanda ng pagkagapi, ng
pagkatalo, ng sarili: napaalipin nang lubos ang tao sa sariling nagkasala,
hindi, hindi nga ako malaya!
Nagkaroon ng sariling ari-arian ang tao. May mga
kasangkapang tanging kanila, walang makakagalaw. Gaya rin ng karapatang
kumilos, lumakad, manahanan, mabuhay na hindi dapat sansalain. Ito’y
ipagtatanggol hanggang sa magtigis ng dugo at kumitil ng buhay! May mga
kagamitang kanya: iilang malapit sa puso lamang ang makagagalaw. Dito nagbinhi
ang inggit at pag-iimbot, pagkat may mga taong nagnanais na magkamit ng ari ng
iba. Kung may mga supling akong mapanarili, mayroon pa ring naging mapagkamkam.
Sa salamin ay minasdan ko ang aking larawan, pagkalipas ng
maramin-maraming panahon. Nahahapis ako, may pilak na ang aking buhok.
Patuloy ang buhay: pumipintig, kumikilos, humahalakhak sa
lahat ng dako ng daigdig. Lumalakad sa lupa, napapatitianod sa tubig, lumilipad
sa himpapawid, iyan ang buhay. Patuloy rin ang Tao sa kanyang pakikipaghamok sa
sarili at sa daigdig. At ako’y patuloy sa paghahanap ng tunay na paglaya sa
kaalipinan sa sarili.
Nalikha ang maraming bagay na panghalip sa ibang niyari ng
Maykapal. Nakagawa ang Tao ng maraming bagay na wari’y nakaligtaang ipagkaloob
ng kalikasan. Sino ang may-ari nito? Tutugon ako, na Taong mapanarili: Ako.
Subalit ako’y hindi lamang nag-iisa. Marami ako:
libu-libong ako, laksa-laksang ako. At naroroon sa lahat ng dako. Iba-iba ang
aking anyo, ugali, wika, iba-iba ang aking larawan. Subalit sa tanaw ng Diyos
na lumikha sa akin ay iisang lahat ng ito. Ang Tao’y iisa, iisang kalahatang
may iba-ibang tibok at pintig.
Nais lupigin ng Taong nakikipaghamok sa sarili ang buong
daigdig, ang buong sansinukob. Ang kalawakan ay nais masakop, nais maangkin.
Ngayon ay nalikha ang isang kababalaghan. Lumilitaw ang pagkamanlilikha ng Tao,
lumilitaw ang kanyang pagka-Diyos – Ito na kaya? Ito na kaya ang kalayaang laon
nang hinahanap ng Tao? Ngunit hindi, hindi, hindi pa ito ang kalayaang
pagpakilala sa sarili at pagkaunawa sa kahulugan ng buhay. Hindi pa nga ito
pagkat hindi pa nakikilala ng tao ang kanyang sarili, hindi pa niya nauunawaan
ang tunay na kahulugan ng buhay. Bakit?